SUNDOWN MUSIC FESTIVAL, NAGBIGAY-BUHAY SA LUNGSOD NG SAN FERNANDO
Matagumpay na idinaos ang Sundown Music and Arts Festival sa City Plaza Auditorium noong Marso 21, 2025, na dinaluhan ng mga residente at mga bisita upang makiisa sa isang gabi ng sining, musika, at makulay na selebrasyon.
Pormal na sinimulan ang programa sa pamamagitan ng mensahe ni Kirk Andrew M. Agulan, SK Federation President at Event Chairperson, kung saan kanyang ipinahayag ang taos-pusong pasasalamat sa mga dumalo at sa mga katuwang na naging bahagi ng matagumpay na pagsasakatuparan ng nasabing kaganapan.
Sinundan ito ng sunod-sunod na pagtatanghal mula sa iba’t ibang grupo at artista na tunay na nagbigay-buhay sa entablado. Kabilang sa mga unang nagtanghal ang DMMMSU-MLUC Uddang Dance Troupe, na sinundan ng LUNHS Intensified Ventures at The Comrades, na nagpamalas ng kahusayan sa larangan ng sayaw at malikhaing sining. Ang kanilang mga enerhiyang pagtatanghal ay agad nagpasigla sa mga manonood at naglatag ng mataas na antas ng aliw para sa buong gabi.
Sa pagpapatuloy ng programa, nagtanghal din ang mga musikero, na sinimulan ng bandang Bryn at ni Jose at Melodiya na naghatid ng madamdaming awitin at makabuluhang musika. Naging kapansin-pansin ang aktibong pakikiisa ng mga manonood na sabay-sabay na umawit at nakiindak, na sumasalamin sa diwa ng pagkakaisa at kasiglahan ng pagdiriwang.
Higit na umigting ang kasabikan ng gabi nang umakyat sa entablado ang bandang Magnus Haven, isa sa mga pinakaaabangang performers, na nagbigay ng makabagbag-damdaming pagtatanghal na tumimo sa puso ng mga tagapakinig. Sinundan naman ito ng masiglang performance ni DJ Vincent na lalo pang nagpaigting sa enerhiya sa aktibidad.
Bilang rurok ng programa, inihatid ni Adie ang isang kapana-panabik at emosyonal na pagtatanghal na nag-iwan ng malalim na impresyon sa mga dumalo.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang Sundown Music and Arts Festival bilang isang plataporma ng sining at kultura na nagbuklod sa komunidad, nagbigay-pugay sa lokal na talento, at naghatid ng hindi malilimutang karanasan para sa lahat ng nakiisa. Dahil dito, tunay na nabigyang-buhay ang diwa ng pagdiriwang kung saan sa #CelebratingSanFernandoTayo, bida ang #PeoplesCity28.
Words by: The San Fernando Movers
































RECENT POSTS

CGSFLU JOINS PREPARATION OF TOURISM ACTIVITIES FOR THE ARRIVAL OF LE SOLÉAL OF COMPAGNIE DU PONANT

CGSFLU BOOSTS READING EFFICIENCY AMONG CHILDREN THROUGH LETRA

CGSFLU HOLDS PAYOUT OF SUBSIDY FOR SOLO PARENTS, INTRODUCES iSOPORTCA

CGSFLU REINTEGRATES VAGRANT PERSON WITH DISABILITY TO FAMILY

CGSFLU LAUNCHES WELLNESS WEEKENDS
