BOSES NG BARANGAY DALUMPINAS OESTE, PINAKINGGAN SA TOWN HALL MEETING
Nagkaroon ng pagkakataon ang 117 residente ng Barangay Dalumpinas Oeste na direktang maiparating ang kanilang mga hinaing, mungkahi, at katanungan sa Pamahalaang Lungsod sa isinagawang Town Hall Meeting noong Hulyo 14, 2026.
Sa pangunguna ni City Mayor Hermenegildo A. Gualberto, agad na nabigyan ng kaukulang tugon at paglilinaw mula sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan ang mga ipinarating na hinaing ng mga residente. Bukod pa rito, ibinahagi rin sa mga residente ang mga programang nakalatag na naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng komunidad.
Naging daan ang aktibidad na ito upang maipahayag ng mga residente ang kanilang mga mungkahi at katanungan tungkol sa suplay ng doxycycline, citizen feedback system, evacuation centers, watch tower project, financial assistance, road obstructions, parking management, drainage, at iba pang usaping pangkomunidad.
Bilang tugon, ibinahagi ni Ms. Danielle Gurtiza ng City Health Office ang impormasyon tungkol sa pag-iwas sa leptospirosis, kabilang ang tamang pag-inom ng doxycycline, mga sintomas, at pagpapakonsulta sa doktor.
Samantala, tinalakay naman ni Mr. Andrew Fil Gonzales ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ang disaster preparedness, kabilang ang 72-hour Go Bag, mga evacuation center, at kahandaan sa bagyo at tsunami.
Ipinakilala naman ni Ms. Ma. Kristia H. Pornel ng City Public Information Office ang e-Pakaammo iti Sentimyento o ePS, ang opisyal na electronic feedback platform ng lungsod para sa pagsusumite at pagsubaybay ng mga reklamo, mungkahi, at rekomendasyon ng mga residente.
Dagdag pa rito, tinalakay din nina Mr. Samuel G. Pileo Jr. ng Office of Public Safety at PCMS Maria Caridad Godoy ng Philippine National Police ang road clearing, illegal parking, road obstructions, curfew para sa mga menor de edad, videoke ordinance, at Neighborhood Watch Program.
Ipinaliwanag naman nina Ms. Aubrey Quezada-Abuan ng Local Economic and Business Development Office, Engr. Edward F. Acosta ng City Engineering Office, at Engr. Rhea Valdez ng City Environment and Natural Resources Office ang business registration at permit renewal, building permits, drainage improvement projects, at mga programang pangkalikasan.
Maraming salamat sa inyong aktibong pakikilahok, kakabsat. Patuloy tayong magkaisa sa pagbabahagi ng ating mga saloobin at mungkahi upang mas mapalakas ang boses ng bawat isa tungo sa mas maunlad na #PeoplesCity ng #SanFernandoTayo.


















