CDRRMO, IPINAGKALOOB ANG MGA KAGAMITANG PANGKALIGTASAN SA CITY SCHOOLS DIVISION OFFICE

Sa pangunguna ng City Government of San Fernando, La Union sa pamamagitan ng inisyatiba ng City Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council, ipinagkaloob ang mga kagamitang pangkaligtasan sa Department of Education Schools Division Office of the City of San Fernando (SDOCSFLU) upang mapaigting ang apat na DRRM Thematic Areas kabilang ang pag-iwas o paglimita, preparasyon, pagresponde, at rehabilitasyon mula sa anomang aksidente o sakuna.

Ginanap noong Mayo 23, 2023 sa San Fernando City SPED Integrated School (SFC SPEDIS), tinanggap nila ang hand operated sirens, first aid kits, at fire extinguishers na siyang maibibigay naman sa mga eskwelahang nasa ilalim ng SDOCSFLU.

Kinilala ni City DRRM Officer Ms. Julie Ann Hipona – Sias ang mga dumalo kabilang sina City Councilor Hon. Edwin H. Yumul; Mr. Mark Anthony Inocencio, City Disability Affairs Officer IV ng Persons with Disability Affairs Office; at Dr. Lizzie P. Abulencia, Principal ng SFC SPEDIS. Nagpahayag din ng kanyang mensahe si City Mayor Hon. Hermenegildo A. Gualberto na siya ring Chairperson ng CDRRM Council.

Dagdag pa rito, nagbahagi rin ng mensahe ng pagtanggap at pagsuporta si Dr. Ely S. Ubaldo, CESO VI na kasalukuyang Officer-in-Charge ng DepEd SDOCSFLU. Dumalo rin sa turnover ceremony sina Local Youth Development Officer Mr. Jerome Acupan at mga miyembro ng City DRRM Council.

Kakabsat, patuloy tayong magkakaloob ng kagamitang makatutulong sa bawat paaralan tungo sa mabuting kapakanan ng kabataan sa #PeoplesCity at sa mas ligtas na #SanFernandoTayo!

RECENT POSTS