
Opisyal nang ipinagkaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Provisional Authority sa Central Ilocos Transport Service Cooperative (CITRANSCO) sa pagsisimula ng pagbiyahe ng kanilang labing limang (15) taxi units kahapon, ika-26 ng Agosto 2020. Pinapayagang makarating sa kahit anong point-to-point destination sa Region 1 ang mga taxi, na sa ngayo’y papasada muna sa loob ng probinsiya ng La Union dahil na rin sa restrikyon ng pagbiyahe sa ibang probinsya ng rehiyon dulot ng umiiral na community quarantine guidelines.
Sa programang pinangunahan ng LTRFRB, dumalo sina City Mayor Alf Ortega at City Vice Mayor Chary Nisce at iba pang opisyal at kinatawan ng Department of Transportation (DOTr) at Provincial Government of La Union (PGLU) pati na ang mga drivers ng CITRANSCO. Dumalo rin sa paglulunsad ang Chairperson ng Committee on Transportation na si City Councilor Ramon Ortega kasama sina City Councilor Atty. Ernesto Rafon at Liga ng mga Barangay Vice President Ram Ortega.
Malugod na tinanggap ni Mayor Alf ang pagkakaroon ng taxi cab service bilang dagdag sa mga pampublikong transportasyon sa probinsiya, kasama na ang lungsod, bukod pa sa mga dati nang maasahang bus, jeepney at tricycle. Bilang suporta sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng DOTr at Local Public Transport Plan, naniniwala siyang ang modernong transportasyon ay patunay ng pagkakaroon ng Smart Mobility at malaking hakbang tungo sa pagiging Smart City ng City of San Fernando.
Sa maikling programa, masayang ibinahagi ni Engr. Elmer Acapuyan, Chairman ng CITRANSCO na sa kabila ng tatlong (3) taong proseso na pinagdaanan ng kooperatiba, makakapagbigay na sila ng makabagong uri ng transportasyon sa mga mamamayan ng La Union.
Pinatunayan naman ni Mr. Nasrudin Talipasan, Regional Director ng LTFRB Region 1, na handa at nakapasa sa legal, teknikal, at pinansyal na requirements ang CITRANSCO. Dagdag pa niya, isinasaalang-alang din ng kooperatiba ang kaligtasan ng mga pasahero sa patuloy na hamon ng CoViD-19 sa pamamagitan ng araw-araw na pag-sanitize ng mga taxi at paglalagay ng protective plastic barrier sa pagitan ng driver at pasahero alinsunod sa minimum health standards na pinapatupad ng Depratment of Health at DOTr. Ayon kay Director Talipasan, bukas ang LTFRB sa posibiladad na madagdagan pa ang bilang ng mga taxi na bibiyahe dito sa La Union.
Maligaya naman si Joel Flores, residente ng Barangay San Francisco na natanggap siya bilang taxi driver. Ayon sa kanya, walo (8) sa kanila ang mula sa lungsod habang ang pitong kasamahan niya ay galing sa mga bayan ng Bangar at Tagudin. Habang namamasukan bilang Food and Beverage Asst. Manager sa isang establisyimento sa lungsod, pinasok niya ang pagmamaneho bilang pandagdag kita dahil na rin sa epekto ng pandemya sa industriya ng hotel at turismo.
Bilang pagsunod sa health protocols at minimum health standards ng mga pampublikong sasakyan, kinakailangang magsuot ng facemask at face shield ang mga pasahero ng taxi. Hinihikayat din silang mag-book ng taxi sa mobile number 09661953688 (Globe) at 09478663114 (Smart) at pati narin sa pamamagitan ng official Facebook page ng CITRANSCO:
• www.facebook.com/citransco.cooperative.180
• Citransco Cooperative
Sa kanilang aprubadong prangkisa, P40 ang pangunahing flagdown rate. Madagdagan ito ng P13.50 sa bawat kilometrong tatakbuhin at P2 sa bawat minutong nakatigil ang taxi.
Patuloy ang pakikipagtulungan at suporta ng City Government of San Fernando sa mga inisyatibo ng iba’t-ibang ahensiya at organisasyon sa pagpapaganda at pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon para sa #SanFernandoAyayatenKa.
(Sulat nila Keziah Arela Ibay at Jeddahn Rosario)
(Litrato ni Erwin Beleo)
RECENT POSTS
Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102
Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103
CITY GOVERNMENT TURNS OVER ADDITIONAL PATROL VEHICLES TO RECIPIENT BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT, PALAFOX ASSOCIATES SIGN CONTRACT TO UPDATE CLUP AND ZONING ORDINANCE
CITY GOVERNMENT HOLDS THE FIRST LOCALIZED HANDA PILIPINAS PROGRAM OF THE PHILIPPINES
CITY GOVERNMENT TURNS OVER 42 PATROL VEHICLES TO BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT SPEARHEADS EDUCATOR’S SUMMIT, EMPHASIZES PARENTAL ROLE OF TEACHERS