
Nakipagpulong ang lokal na pamahalaan ng San Fernando sa mga kinatawan ng Provincial Government of La Union (PGLU) partikular ang Provincial Health Office (PHO) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) para masiguro ang paghahanay at pagsunod ng proposed City Vaccination Plan sa aprubadong plano at direksyon ng PGLU batay sa national program ng Department of Health (DOH).
Ibinahagi ni Dr. Dan William Dacanay ng PGLU-PHO ang national at provincial vaccination plan kasabay ng pagbibigay ng maiksing pagtalakay sa mga impormasyong kailangang malaman tungkol sa COVID-19 vaccine. Ayon kay Dr. Dacanay, ang COVID-19 vaccines ay ibibigay ng libre ng national government sa pamamagitan ng DOH liban sa dagdag na mga bakuna na planong bilhin ng PGLU. Alinsunod dito, responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan na masigurong kumpleto ang mga kinakailangang pasilidad at kagamitan sa implementasyon ng vaccination program. Sa ngayon ay mayroong apat (4) na refrigerator body type 2-8°C units ang City Health Office (CHO) bilang storage facility ng vaccines. Ito umano ay sapat na para sa inaasahang darating na bakuna para sa lungsod ayon sa PHO. Nabanggit din ni Dr. Dacanay na ngayong araw, Marso 4, 2021, ay may darating na 14,400 Sinovac Vaccines sa DOH-ROI na ipamamahagi sa apat (4) na probinsya dito sa Region 1. Unang makatatanggap ang ITRMC at LUMC ng bakuna para sa mga frontline health workers na naka-talaga sa mga isolation facilities ng mga nasabing ospital.
Tinalakay naman ni Ms. Julie Ann Hipona, City DRRM Officer, ang City Vaccination Plan na isinailalim sa pagsisiyasat ng mga kabilang sa nasabing pagpupulong. Kabilang sa mga napagkasunduan ay ang pag-aralan ang mga kinakailangang pasilidad, kagamitan at tauhan na magbibigay serbisyo sa mismong implementasyon ng programa, gayundin ang pagbibigay ng mas malawak na kaalaman patungkol sa benepisyo ng bakuna sa mga residente ng lungsod. Bilang pag-usad sa isinasagawang Vaccination Program, ipinag-utos ni Acting City Mayor Alf Ortega ang agarang pag-update ng City Vaccination Plan batay sa national at provincial plans gayundin sa mga naging rekomendasyon. Sasailalim sa action planning workshop ang City Task Force para mabuo ang implementation plan na susundan ng lahat ng sub-groups para sa maayos na pagpapatupad nito. Kasabay nito ay ang pagpasa ng pinal na micro plans ng mga miyembro ng City COVID-19 Vaccine Technical Working Group at ang pagsasagawa ng masterlist ng lahat ng mga tukoy na makatatanggap. Minungkahi din ni ACM Ortega ang pagkakaroon ng Public-Private-Partnership sa mga medical facilities, iba pang institusyon at mga indibidwal na maaring makatulong sa mas maayos na implementasyon ng vaccination program.
Sa gagawing paglilinang sa vaccination plan ay inaasahang malaki ang ibababa ng kakailanganing pondo gawa ng libreng bakuna na manggaling sa DOH at PGLU. Malaking tulong ang matitipid na pondo sa pagpapatupad ng iba pang programa para sa social at health services sa lungsod.
Ang nasabing pagpupulong ay pinangunahan ni ACM Alf Ortega kasama ang mga kinatawan ng PGLU na sina Dr. Dacanay ng PHO at Mr. Alvin Cruz ng PDRRMO. Mula naman sa City Government ay sina City Councilor Antonio G. Jucar, City Councilor Rizalde F. Laudencia, at mga kinatawan ng CHO, CDRRMO, City Planning and Development Office (CPDO), City Budget Office (CBO), KMCCO at Sangguniang Panlungsod. Sa patuloy na pakikipaglaban ng lungsod sa banta ng CoViD-19, umuusbong ang pag-asa dahil sa paparating ng bakuna.
Ang bakuna ay isa lamang sa mga solusyon upang hindi na kumalat pa ang CoViD-19 at manumbalik na muli ang sigla at normal na pamumuhay sa ating bayan.





RECENT POSTS
CITY GOVERNMENT TURNS OVER ADDITIONAL PATROL VEHICLES TO RECIPIENT BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT, PALAFOX ASSOCIATES SIGN CONTRACT TO UPDATE CLUP AND ZONING ORDINANCE
CITY GOVERNMENT HOLDS THE FIRST LOCALIZED HANDA PILIPINAS PROGRAM OF THE PHILIPPINES
CITY GOVERNMENT TURNS OVER 42 PATROL VEHICLES TO BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT SPEARHEADS EDUCATOR’S SUMMIT, EMPHASIZES PARENTAL ROLE OF TEACHERS