Sa pangunguna ng City Health Office (CHO), patuloy na nagsasagawa ang City Government ng mga hakbang upang patuloy na limitahan ang kaso ng dengue sa lungsod.

Ayon sa panayam kay Dr. Arman S. Carrera, Officer-In-Charge ng CHO, nakapagtalaga na ang lungsod ng 28 kaso ng dengue mula sa 20 na barangay nito ngayong taon. Higit na mas mababa ang bilang na ito kumpara sa 102 kaso noong nakaraang taon sa parehong buwan.

Ayon kay Dr. Carrera, ang pagbaba ng mga kaso ay maaring dulot ng hindi madalas na pag-ulan. Nakatulong din ang madalas na paglilinis ng mga residente ng kani-kanilang bahay at kapaligiran ngayong community quarantine. Kadalasan kasing pinagpupugaran ng mga Aedes aegypti mosquito ang naiipong tubig sa mga nagamit na mga containers at iba’t ibang imbakan.

Naniniwala si Dr. Carrera na mas naging handa na ang mga residente sa preventive measures laban sa dengue. Tuloy-tuloy pa rin ang information campaign ng CHO sa pamamagitan ng rekorida – isang sasakyang nag-iikot sa lungsod upang mag-anunsyo ng mga impormasyon sa pamamagitan ng pre-recorded audio material mula sa Department of Health. Tuwing alas kuatro ng hapon, umiikot ito sa central business district upang paalalahanan ang publiko sa mga pangunahing impormasyon ukol sa dengue. Bumibisita rin ang rekorida sa mga barangay ng lungsod ayon sa schedule.

Kasama pa sa mga dagdag hakbang ng lokal na pamahalaan ang “Palit Gulong” program na isinasagawa na ng CHO sa nakaraang apat (4) na taon. Layon ng programang ito na palitan ng bigas ang mga makokolektang gulong, bote at plastic containers ng mga residente sa mga barangay. Noong nakaraang buwan, naipatupad na sa Barangays Dalumpinas Este, Ilocanos Sur at Sevilla ang naturang programa at inaasahang magpapatuloy ito ngayong buwan ng Agosto.

Siniguro rin ng CHO na natapos nila ang fogging operations sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod bago ang orihinal na schedule ng pagbubukas ng pasukan nitong Agosto. Nagsasagawa rin sila ng mga fogging operations sa mga pribadong paaralan at mga barangay base sa request na kanilang natatanggap mula sa mga ito.

Pinapayuhan ng CHO ang mga residente sa aktibong pakikiisa sa mga interbensyon ng lokal na pamahalaan laban sa dengue. Tinitiyak ng lokal na pamahalaan ang kahandaaan at kaligtasan ng ang mamamayan laban sa mga iba pang banta sa kalusugan sa gitna na CoVid-19 pandemic.

(Kuwento ni Jeddahn Rosario)

(Litrato ni Clifford Mercado at mula sa City Health Office)

RECENT POSTS


Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102

Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103