Bunsod ng pagdami ng mga nagpositibo sa CoVid-19 sa Barangay San Agustin, nagsimula nang magsagawa ang City Health Office (CHO) ng mass testing nitong ika-2 ng Agosto 2020 sa dalawang (2) purok na nakapagtala ng sunod-sunod na mga kaso. Ito ay upang matukoy ang mga posibleng carrier ng virus sa Purok 2A at Purok 4 ng nasabing barangay at agad silang ma-isolate mula sa komunidad.

Sa pamamagitan ng mass testing at pag-aaral ng resulta nito, masusuri ng lokal na pamahalaan ang mode of transmission sa barangay upang malaman at mapagplanuhan ang mga kinakailangang interbesyon nang mapigilan ang pagkalat ng CoVid-19 sa ating siyudad.

Ayon kay Dr. Arman Carrera, Officer-in-Charge ng CHO, sa ngayon ay humigit kumulang 420 mga residente ng dalawang purok ang sumailalim sa swab testing, mula sa 2,560 na residente ng barangay. Aktibong nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan ng San Fernando sa Provincial Government of La Union (PGLU) upang mas mapabilis ang pagsasagawa ng mass testing. Layon ng CHO na matapos ang mass testing ngayong Linggo.

“Ang usapan namin kasama ang Provincial Government of La Union, tina-target naming makatapos tayo ng 400 individuals to be tested daily. Ang target natin ay within this week ay matapos na ang lahat ng residente ng San Agustin”, dagdag ni Dr. Carrera.

Sa pagpapatuloy ng mass testing at paglabas ng mga resulta nito sa mga sumusunod na araw, may posibilidad na madaragdagan ang bilang ng mga magpopositibo sa CoViD-19 dito sa ating lungsod. Gayunpaman, handang magsagawa ang lokal na pamahaalan ng San Fernando ng iba’t-ibang mas mahigpit na hakbang at restriksyon upang siguruhin ang proteksyon at pangangalaga hindi lamang ng mga apektado sa Barangay San Agustin, pati na ang mga residente ng iba’t iba pang mga barangay.

Inaasahan ng lokal na pamahalaan ang kooperasyon ng bawat mamamayan sa isasagawang mga kapamaraanan ng awtoridad. Mariing pinapaalalahanan ang mga residente na manatili sa loob ng kanilang mga tahanan at sumunod sa minimum health standards.

Ang inyong lokal na pamahalaan ay patuloy sa pag-aabot ng serbisyo at pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang na higit pa sa inaasahan. Kaakibat ang mga masisikap na frontliners, empleyado at volunteers, babangon tayo mula sa pandemyang ito dahil #SanFernandoAyAyatenKa.

(Kuwento at Litrato ni Shairalene Guerrero)

RECENT POSTS


Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102

Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103