
Patuloy ang mga hakbang na ginagawa ng City Government sa pangunguna ng City Disaster and Risk Reduction Management Office (CDRRMO) para matiyak ang kahandaan ng mga barangay at komunidad sa panahon ng tag-ulan at iba pang posibleng sakuna sa gitna ng hamon ng CoViD-19.
PAGHAHANDA SA BAGYO at TAG-ULAN
Para maging gabay sa mga dapat ihanda ng mga barangay sa panahon ng tag-ulan, naglabas ng mga preparedness measure checklist ang CDRRMO sa pamamagitan ng CDRRM Council Memorandum No. 07-13-005-2020 noong ika-13 Hulyo 2020. Kabilang dito ang pagbuo at pagpulong ng kani-kanilang Barangay Disaster Risk Reduction Management Committee (BDRRMC) para:
– malaman ang bilang ng mga taong maaaring nasa panganib ng landslide at pagbaha;
– maabisuhan ang mga residente na ayusin at patibayin ang kani-kanilang mga bahay;
– magsagawa ng paglilinis ng mga kanal at pagbabawas ng mga sanga ng puno; at
– i-check kung may magagamit na maayos na kasangkapan para sa transportasyon.
Mahalaga rin ang pagtitiyak na handa ang kani-kanilang natukoy na evacuation centers, at na-update ang inventory at listahan ng mga kakailanganing supplies na gagamitin doon. Kasalukuyan namang bumibili ang City Government ng mga karagdagang tents sakaling kailanganin ang mga ito sa mga evacuation areas ng barangay.
Aminado si Ms. Julie Ann Hipona, Local Disaster Risk Reduction Management Officer IV ng CDRRMO, na malaking hamon ang pagsasagawa ng evacuation lalo na sa panahon ng kasalukuyang pandemya. Sa naging karanasan ng lungsod sa pagdaan ng Bagyong Ambo nitong Mayo 2020, natukoy ng CDDRMO ang mga hakbang ng paglikas na naaayon sa guidelines ng umiiral na community quarantine. Una na rito ang pagkilala kung sinu-sino sa mga ililikas ang may sintomas ng CoViD-19 nang sila ay ma-isolate at maiwasan ang sakaling paghahawaan.
PAGHAHANDA SA LINDOL
Isa rin sa binibigyang diin ng CDRRMO ang kahandaan ng lungsod sakaling magkalindol. Ipinagpaliban muna sa ngayon ng lokal na pamahalaan ang nakaplanong malawakang city-wide earthquake drill na dapat sabay-sabay lalahukan ng 59 na mga barangay dahil sa restriksyon ng umiiral na community quarantine.
Ngunit paninigurado ni Ms. Hipona na natapos na ng lungsod ang pagsasanay para sa Collapse Structure Search and Rescue noong 2019. Ngayong taon, target ng City Government na mabili ang mga nararapat na kasangkapan para dito. Bilang pandagdag kagamitan, mamamahagi din ang lokal na pamahalaan ng mga hand operated siren sa lahat ng barangay na susundan ng nararapat na orientation upang maayos itong magamit sa posibleng panahon ng sakuna.
KOORDINASYON
Tuloy-tuloy naman ang komunikasyon at koordinasyon ng CDRRMO sa mga barangay, lalo na sa pamamagitan ng social media. Sa katunayan, may tig-dalawang (2) disaster and risk reduction (DRR) focal persons kada barangay na aktibong nag-uulat ng mga updates ng kanilang kahandaan. Ayon sa parehong memo, dapat ding siguruhin ng mga barangay na:
– may maayos na pag-uulat sa City Emergency Command Center ukol sa kalagayan ng kani-kanilang lugar sa panahon ng kalamidad;
– maaalerto ang Barangay Emergency Response Team sa posibleng evacuation at rescue operation; at
– makakapagpakalat ng sapat na impormasyong pambabala sa mga residente ng barangay.
Hinihikayat ng CDRRMO ang aktibong kooperasyon ng mga barangay sa disaster preparedness ng lungsod. “Ang kaligtasan ng bawat isa ay nakasalalay din sa bawat isa.”, dagdag paghihimok ni Ms. Hipona. Naniniwala siya na mahalaga ang pakikiisa ng mga mamamayan sa kakahayan ng awtoridad na panatilihing matiwasay ang mga komunidad.
Patuloy na sinisiguro ng City Government ang kaligtasan ng mga mamamayan, hindi lamang mula sa kasalukuyang banta ng CoViD-19, pati na sa mga posibleng sakuna. Mahalaga ang pagiging alerto at pakikipagtulungan ng bawat isa para panatilihing ligtas ang #SanFernandoAyayatenKa.
(Kuwento ni Jeddahn Rosario)
(Litrato mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office
RECENT POSTS
Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102
Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103
CITY GOVERNMENT TURNS OVER ADDITIONAL PATROL VEHICLES TO RECIPIENT BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT, PALAFOX ASSOCIATES SIGN CONTRACT TO UPDATE CLUP AND ZONING ORDINANCE
CITY GOVERNMENT HOLDS THE FIRST LOCALIZED HANDA PILIPINAS PROGRAM OF THE PHILIPPINES
CITY GOVERNMENT TURNS OVER 42 PATROL VEHICLES TO BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT SPEARHEADS EDUCATOR’S SUMMIT, EMPHASIZES PARENTAL ROLE OF TEACHERS