Para panatilihin ang mababang bilang ng bagong kaso ng CoViD-19 sa lungsod sa nakaraang linggo at maiwasan ang posibleng panibagong community transmission, nagsimulang magsagawa ang City Government ng Mass Testing Operation sa mga empleyado ng Department of Agriculture Regional Field Office-1 (DA-RFO1) noong ika-9 ng Oktubre 2020. Ito ay pinangunahan ng City Health Office (CHO) sa pagtugon ng Department of Health-Center for Health Development-1 at Provincial Health Office (PHO) sa hiling ng DA-RFO1. Nitong Biyernes, natapos nang masuri sa pamamagitan ng RT-PCR o Swab Test ang 201 sa mahigit 280 empleyado ng DA-RFO1. Kasalukuyang sumasailalim ang unang batch sa strict home quarantine sa susunod na tatlong (3) araw habang hinihintay ang resulta. Base sa rekord, isa sa dalawang (2) kumpirmadong kaso na naiugnay sa DA-RFO1 ang direktang konektado sa pagkakahawa ng isang buong pamilya sa Barangay Pagdalagan. Gumaling at na-discharge na mula sa isolation facility kahapon ang nasabing pasyente. Ayon kay Dr. Arman Carrera, Officer-in-Charge ng CHO, isinagawa ang Mass Testing Operation upang maiwasan ang posibleng paglobo ng kaso katulad ng nangyari sa Barangay San Agustin, Philippine National Police- Regional Office 1 at Philippine Navy. Naniniwala si Dr. Carrera na malaki ang maitutulong ng hakbang na ito upang mapanatili ang mababang bilang ng mga bagong kaso ng CoViD-19 sa siyudad sa mga susunod na araw at linggo. Matatandaang anim (6) na araw nang walang naitalang bagong kaso sa City of San Fernando. Iniuugnay ni Dr. Carrera ang magandang rekord na ito sa epektibong contact tracing ng lungsod, pati na sa aktibong pakikipagtulungan ng mga mamamayan. Kasama rito ang pagiging alerto at tapat ng mga residente sa sintomas na kanilang nararamdaman at agarang pag-uulat ng mahahalagang impormasyon sa CHO at barangay officials. Dagdag naman ni Ms. Julie Ann Hipona, Local Disaster Risk Reduction Management Officer IV, malaki ang nagawa ng disiplina at kooperasyon ng mga residente at mga bumibisita sa lungsod sa pagtatala ng zero new cases sa nakaraang linggo. Kabilang dito ang epektibong pangunguna ng mga opisyal ng barangay, walang humpay na paglilingkod ng frontliners at matibay na pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan ng San Fernando at probinsya ng La Union. Naka-schedule na masuri ang pangalawang batch ng mga empleyado bukas para makumpleto ang Mass Testing Operation sa DA-RFO1. Nananatiling nakabantay at maagap ang lokal na pamahalaan sa patuloy na banta sa kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan. Sa ating pakikiisa at pakikipagtulungan, mapagtatagumpayan natin ang mga hamong dala ng CoViD-19 para sa tuloy-tuloy na pagsulong ng #SanFernandoAyayatenKa. (Kuwento ni Jeddahn Rosario) (Litrato ni Clifford Mercado)vv

RECENT POSTS


Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102

Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103