Bago pa man sumailalim ang Barangay San Agustin sa Total Lockdown bunsod ng pagtaas ng kaso ng nagpositibo sa CoViD-19, ay pinaigting na ng City Government ang seguridad sa loob ng Barangay pati ang paghatid ng karampatang tulong sa mga apektadong residente nito.

Sa tulong ng mga empleyado mula sa iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan, sa pamumuno ng City Social Welfare and Development Office (CSWD), nakapamahagi na ng humigit-kumulang 728 na kalahating kaban na bigas sa lahat ng pamilya sa iba’t-ibang Purok ng nasabing Barangay.

Bukod dito, namigay rin ng 731 relief packs ang Provincial Government of La Union (PGLU) bilang karagdagang tulong. Ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ay nakapagbigay naman ng 694 piraso na mga timba.

Nakapag-install na rin ang General Services Office (GSO) ng dalawang portable toilets na magagamit ng mga health workers at frontliners. Sinisiguro rin ng mga Barangay Officials kasama ang mga Barangay Health Workers (BHW) na ang mga residente ng apektadong Barangay ay hindi lumalabas sa kani-kanilang mga tahanan at sumusunod sa pinapatupad na preventive measures.

Mahigpit din ang seguridad na ipinapatupad ng mga kawani ng Office for Public Safety, Philippine Navy, Philippine Coast Guard at City Philippine National Police upang masiguro ang kaligtasan ng bawat pamilya na naninirahan sa San Agustin.

Sa tulong naman ng City Incident Management Team (IMT), makakaasa ang mga residente ng San Agustin na may supply ng malinis na tubig pati na rin ang sapat na supply ng mga medisina at bitamina na maipapamahagi para sa kanila.

Sa panayam naman kay Punong Barangay Nicanor Ramos, mahirap man ang pagsasakripisyo na kanilang isinasagawa masiguro lang na hindi na kumalat pa ang CoVid-19 sa Barangay, nabibigyan naman sila at ang kanilang mga tauhan ng lakas at pag-asa mula sa tulong at suporta mula sa lokal na pamahalaan ng San Fernando.

“Narigat latta apo ti taktakderen mi dituy inggana malpas ti swabbing ken amin-amin ta haan mi ammu nu sinu-sinu ti naapektuwan ditoy ayanmin.” Dagdag pa niya, “Awan makunak ti itultulong ti City (Government) apo, awan makuna mi ta ited da amin nga maitulong da kanyami. Naanay apo ti tulong nga iyaw-awat da. Ur-urnusen da met nu anya ti kasapulan mi ireport mi kanyada, ited da met kanyami apo. Isu nga agpaspasalamat kami ti City Government ti panang suporta da ti barangay mi apo.”

Hindi naging alintana ang banta ng CoVid-19 sa ating butihing City Vice Mayor Chary Nisce. Binisita nya ang Barangay San Agustin upang masuri ang kalagayan ng mga mamamayan na naninirahan dito. Namahagi ang kanyang opisina ng iba’t-ibang ayuda gaya ng supply ng vitamins, flashlights at food packs na kinakailangan ng mga magigiting na frontliners.

Bagama’t hindi natin nakikita ang kalaban ay patuloy namang nanaig ang bayanihan sa ating siyudad. Dahil sa pagsasakripisyo at pagkakapit-balikat na ibinubuhos ng mga frontliners laban sa Covid-19, ay nabibigyan pa rin tayo ng pag-asa na makakabangon tayo mula sa pandemya na ito.

Nawa’y ipagpatuloy natin ang ating pananalig at ipagkatiwala ang ating kaligtasan sa ating Poong Maykapal. Sa ating pagtutulungan, pagkakaisa at pagmamalasakit sa ating kapwa, hinding-hindi matitinag ang ating siyudad, bagkus, patuloy nating naipapakita na #SanFernandoAyAyatenKa.

(Kuwento ni Shairalene Guerrero at Clifford Mercado)

(Litrato ni Clifford Mercado)

RECENT POSTS


Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102

Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103