Ngayong araw, ika-24 ng Agosto, nagsimula nang magbenta ang may 17 street vendors sa tabi ng Tanqui Terminal. Sila ang unang batch na mga miyembro ng bagong tatag na Samahan ng Nagkakaisang Vendors o SNV na magtitinda mula Lunes hanggang Miyerkules. Ibang batch naman ang magtitinda mula Huwebes hanggang Sabado.

Lubos ang pasasalamat ni Marlon Laurio, isa sa mga miyembro ng SNV na naglako ngayong araw, sa pagbibigay sa kanila ng City Government ng pagkakataon na ipagpatuloy ang kabuhayan. Sampung taon siyang nagtinda sa paligid ng central business district, at madalas mahuli dahil sa mga paglabag. Ayon sa kanya, maaaring malaki ang hamon sa kanilang pag-sasaayos sa bagong lugar na pagbebentahan, lalo pa’t napag-usapan nilang pagiiba-ibahin ang ilalako ng mga magkakasabay na vendor. Ngunit naniniwala siya na sa kalauna’y masasanay din sila at dadami rin ang kanilang customers dahil malapit ang kanilang puwesto sa mga opisina at paaralan.

Pinangunahan naman ng Local Economic and Business Development Office (LEBDO) noong Sabado, ika-22 ng Agosto 2020, ang orientation program kung saan ipinatanggap sa 35 street vendor members ang interest-free capital loan assistance at hygiene kits. Ang P3,000 loan assistance ay tulong paninimula na inisyatibo nila City Mayor Alf Ortega, City Vice Mayor Chary Nisce at ng buong City Council. Sa nasabing programa, ipinaalala sa mga maglalako ang mga dapat tandaan na mga patakaran at regulasyon lalo na sa pagsunod ng minimum health standards at pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.

Makakaasa ang #SanFernandoAyayatenKa sa pangkalahatang pamamaraan at mga programa ng lokal na pamahalaan upang unti-unting mapagaan at masolusyunan ang patuloy na epekto ng CoViD-19 pandemic sa kabuhayan ng mga mamamayan at ekonomiya ng lungsod.

(Kuwento ni Jeddahn Rosario)

(Litrato ni Clifford Mercado)

RECENT POSTS