Ang Lokal na Pamahalaan ng San Fernando, La Union, sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), ay namigay ng educational assistance para sa mga indigent persons with disabilities (PWD) sa ilalim ng programang ‘Tuloy Aral Walang Sagabal’ (TAWAG). Ang awarding ceremony para sa unang batch ay dinaluhan ng mga benepisyaryong children with disabilities kasama ang kanilang mga magulang, San Fernando City Special Education (SPED) Integrated School Principal Gloria Abad, Mayor Alf Ortega, at mga tauhan ng CSWDO sa pamumuno ni Ms. Sally Matoza, kahapon sa Mayor’s Conference Room, City Hall.

“Hindi lang iisang sektor ang dapat nating binibigyang pansin, kundi ang lahat ng sektor kasama na ang children with special needs, dahil walang maiiwan. Ginagawa natin ito para sa kabataan at para sa future ng siyudad natin,” sinabi ni Mayor Alf sa lahat ng mga dumalo sa awarding ceremony.

“Nagpapasalamat po kami, Mayor, dahil ngayon pong panahon ng pandemya, binibigyan mo kaming mga PWD ng importansya,” tugon naman ni Mayglenn Sanchez, isa sa mga magulang ng beneficiaries.

Para naman kay Ronald Ringor, isa rin sa mga magulang ng beneficiaries, “Malaking bagay ito para sa amin para pambili ng school supplies, damit, gatas, at vitamins.”

Ang TAWAG ay programa ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) na naglalayong hikayatin ang lahat na tulungan ang mga kabataang may kapansanan na matamasa ang buo at disenteng pamumuhay. Ang nasabing programa ay taunang isinagawa ng CSWDO mula noong 2015.

Ang Lokal na Pamahalaan ng San Fernando, La Union ay naniniwalang lahat tayo ay apektado ng pandemya ngayon at ang ilan ay higit na mas nangangailangan ng tulong at atensyon. Patuloy nating suportahan ang mga programa ng gobyerno at maging masunurin pa rin sa mga ipinapatupad nitong panuntunan upang sama-sama nating malampasan ang pagsubok na ito. Ipakita nating #SanFernandoAyayatenKa.

(Kuwento ni Keziah Arela Ibay)

(Mga litrato ni Erwin Beleo)

RECENT POSTS