Sa patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF) sa mga alagang baboy dito sa probinsya, tiniyak ng City Government sa pangunguna ng Office of the City Veterinarian (VET) na ligtas ang pagbili at pagkonsumo ng karneng baboy na nagmumula sa lungsod.

Ito ay matapos mag-negatibo mula sa ASF ang pinakahuling blood sample na kinolekta ng VET mula sa iba’t ibang babuyan sa lungsod noong nakaraang buwan. Tig-sampung random blood specimen mula sa piglet, grower, finisher at breeder na inaalagaan sa lungsod ang isinumite at sinuri ng Department of Agriculture (DA) Regional Field Office I – Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Malugod na tinanggap ni Dr. Flosie Decena, City Veterinarian, ang nasabing resulta. Ayon sa kanya, hinihintay na lamang ng City Government ang opisyal na dokumento mula sa DA Central Office para makapag-umpisa muli ang mga hog farmers sa Barangay Cadaclan at Barangay Pias na parehong naapektuhan noong Marso. Sa napipintong pagsisimula, payo ng VET na bumili lamang ng mga aalagaang baboy mula sa mga lugar na hindi pa naapektuhan ng ASF. Sa pagtatala ng Office of the Provincial Veterinarian, may mga patuloy na imbestigasyon at culling activities sa mga bayan ng Agoo, Aringay, Balaoan, Bauang, Naguilian at Sudipen.

Para maiwasan ang pagbabalik ng ASF sa lungsod, layon ng VET na kumpletuhin ang mapping ng lahat ng hog farms sa lungsod sa pamamagitan ng Geo-Tagging. Gamit ang isang mobile application, isa-isang inirerehistro ng mga miyembro ng City ASF Taskforce at barangay officials ang lahat ng mga hog farms sa database. Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng technology-based inventory ng mga hog farmers ang lungsod at madali na lamang matutukoy ang posibleng maapektuhang lugar sa loob ng panibagong sinusunod na 500 metrong radius. Kaakibat ang iba’t ibang opisina ng City Government, kasama ang City of San Fernando Police Station, target na matapos ng VET ang Geo-Tagging sa taong ito.

Umaapela naman ang VET sa mga residente ng lungsod na maging mapanuri at responsable sa pagbili at pagkain ng karneng baboy. Ayon kay Dr. Decena, dapat siguruhing dumaan sa meat inspection ang mga karneng bibilhin at umiwas sa pagbili mula sa mga illegal meat peddlers.

Batid ng lokal na pamahalaan ang epekto ng ASF sa pangkabuhayan ng mga hog farmers at ekonomiya ng lungsod. Kaya naman, nabigyan ang mga naapektuhang livestock owners ng tulong sa pamamagitan ng indemnification at livelihood support fund ng DA, City Government at Provincial Government of La Union. Nagsumite rin ang VET ng mga pangalan ng 69 na mga hog farmers mula sa siyudad bilang mga posibleng benepisyaryo ng Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion (INSPIRE) program ng DA. Sa pamamagitan ng INSPIRE, naglalayong makapagbigay ang DA ng Php 50,000 swine livelihood package kabilang ang limang (5) piglets, feeds at biologics sa mga direkta at hindi direktang naapektuhang hog farmers na hindi pa nakatanggap ng anumang financial o project assistance mula sa kanila. Patuloy namang tumatanggap ng livestock insurance application ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa pakikipagtulungan ng AGR.

Makakaasa ang #SanFernandoAyayatenKa sa mga patuloy na interbensyon at programa ng lokal na pamahalaan, kaakibat ang kooperasyon ng mga mamamayan, upang masiguro ang sapat at ligtas na supply ng pagkain sa lungsod.

(Kuwento ni Jeddahn Rosario)
(Litrato ng Office of the City Veterinarian, at ni Jeddahn Rosario)

RECENT POSTS


Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102

Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103