IMPORMASYON AT TUGON SA MGA PANGANGAILANGAN, INIHANDOG SA BARANGAY CABARSICAN

Mahigit 100 residente ng Barangay Cabarisican ang nakiisa sa town hall meeting sa kanilang barangay upang mailapit ang kanilang mga pangangailangan at makakuha ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga serbisyong makatutulong sa kanilang komunidad noong Hulyo 28, 2026.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga usapin sa patubig at suplay ng tubig, agrikultura, imprastraktura, pangangalaga sa kapaligiran, ari-arian, serbisyong panghayupan, at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Ibinahagi ni Engr. Emmanuel Salvador ng Agricultural and Biosystems Engineering Office ang mga programa para sa pagpapaunlad ng pagsasaka, makinaryang pansaka, at mga pasilidad sa tubig. Tinalakay rin ang isinagawang Georesistivity Survey at mga prayoridad na proyekto tulad ng Diversion Dam at pagpapalawak ng Feeder Road.

Samantala, ipinaliwanag ni Ms. Joan Pasca ng Office of the City Agriculturist ang mga serbisyong pang-agrikultura, kabilang ang pamamahagi ng mga punla, tulong sa aquaculture, organikong produksyon, at proseso para sa crop insurance. Ibinahagi naman ni Ms. Ma. Kristia Pornel ng City Public Information Office ang e-Participation System o e-PS bilang daluyan ng mga puna, mungkahi, at iba pang saloobin ng mga residente.

Nagbigay rin ng impormasyon sina Engr. Rhea Valdez ng City Environment and Natural Resources Office, Engr. Alfred Leo Ancheta ng Office of the City Assessor, at Dr. Christopher Apilado ng Office of the City Veterinarian tungkol sa wastong pamamahala ng basura, mga usapin sa ari-arian, serbisyong pangkalusugan ng mga hayop, at libreng pagbabakuna laban sa rabies. Tinalakay naman ni PCMS Maria Caridad Godoy ng Philippine National Police ang mga ordinansa tungkol sa curfew para sa mga menor de edad at paggamit ng videoke.

Samantala, ilang usapin mula sa mga residente rin ang naitala, kabilang ang hindi pa pagtanggap ng mga nakalaang punla at ang kondisyon ng Sacyud-Cabarsican Bridge. Binigyang-linaw ng mga kinauukulang tanggapan ang mga ito at ipinaalam ang mga susunod na hakbang para sa kanilang pagtugon.

Iniyahag ni City Mayor Hermenegildo A. Gualberto, kasama ang mga kinauukulang kawani at tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, na susuriin ang mga naiparating na usapin at magsasagawa ng nararapat na mga hakbang upang matugunan ang mga ito.

Sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga barangay, pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ang paghahatid ng mga serbisyong nakabatay sa tunay na pangangailangan ng bawat komunidad.

Patuloy tayong makilahok at magkaisa, kakabsat, upang mapalakas ang ugnayan ng pamahalaan at mamamayan tungo sa mas maunlad na #PeoplesCity ng #SanFernandoTayo.

RECENT POSTS