LNP BOOTCAMP, DAAN SA PAGBABAGO NG RECOVERY CHAMPIONS

Tungo sa rehabilitasyon ng Recovery Champions (RCs) ng City of San Fernando, La Union, sumailalim ang 18 RCs, dalawa rito ay kasalukuyang Persons Deprived of Liberty (PDL), sa apat na araw na Lakas ng Pagbabago (LNP) Bootcamp na ginanap sa La Union Botanical Garden noong Setyembre 6-9, 2023.
 
Sumabak ang mga RC sa Amazing Race na may layuning pagtibayin ang kanilang pagkakaisa at pagtutulungan. Bukod pa rito, nagkaroon sila ng pagkakataong makita at mayakap muli ang kanilang kapamilyang dumalo upang suportahan sila sa kanilang paghilom at pagbabago.
 
Naging bahagi rin ng rehabilitation program na ito ang values reformation, iba’t ibang aktibidad na makapaglilinang ng kanilang aspektong ispiritwal at moral, at iba pang mga aktibidad na makatutulong sa pagsasa-ayos ng kanilang sarili at buhay.
 
Dagdag pa rito, nakatulong din sa programa ang mga tagapagsalita na sina City Councilor Hon. Edwin Yumul at Pastor John Martinez. Sa huli, naging matagumpay ang programa para sa Recovery Champions sa tulong ng City Health Office, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Department of the Interior and Local Government, at City of San Fernando Pastor’s Fellowship.
 
Sinimulan ang LNP Bootcamp ng City Government of San Fernando sa tulong ng Special Projects Office bilang bahagi ng Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) na inilunsad noong 2016. Nilalayon nitong maging produktibong miyembro ng komunidad ang mga nalulong sa droga sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakataon at oportunidad na magbago.
 
Kakabsat, patuloy nating tutulungan ang mga Fernando at Fernanda na nangangailangan ng ating kalinga lalo na ang kakabsat nating nalulong sa masamang bisyo tungo sa kanilang paghilom para sa mas maayos at maganda nilang pamumuhay dito sa #PeoplesCity ng #SanFernandoTayo!

RECENT POSTS