MAYOR DONG, NAKUHA NA ANG UNANG DOSE NG BAKUNA KONTRA COVID

Kaninang umaga, nagtungo si Manong Dong Gualberto sa Brgy. Poro vaccination center upang kunin ang first dose niya ng bakuna.

“Kinakailangan po nating magpabakuna para nang sa gayon, manumbalik po nang normal ang ating buhay. At the same time, maumpisahan na rin po ang economic recovery dito sa City of San Fernando,” pagbabahagi ni Manong Dong nang tanungin kung bakit mahalaga ang magpabakuna laban sa COVID-19.

Ayon sa kanya, pagpapabakuna ang daan upang mabigyang-proteksyon natin laban sa COVID-19 hindi lang ang sarili, kundi pati ang mga miyembro ng ating pamilya. Kaakibat nito, hinihikayat ni Manong Dong na magpabakuna ang mga kapitan at barangay health workers (BHW) bukod sa A1, A2, at A3 priority groups sa siyudad.

Kaugnay nito, laking tuwa ni Manong Dong nang makita na maaga pa lamang sa vaccination center ay may nakapila nang mga residenteng bahagi ng nabanggit na priority groups.

Gaya ng mga residenteng ito, istriktong sinunod ni Manong Dong ang vaccination procedure mula sa pagpila sa triage area, panonood ng videos sa health education area ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna, pagpapa-register, hanggang sa pagpapatingin sa doktor mula sa City Health Office (CHO).

Matapos ang kumpirmasyon ng doktor na maaari nang maturukan si Manong Dong ng first dose, itinuloy na ang pagbabakuna na sinundan ng pag-oobserba ng isang oras upang makita kung may side effects siyang mararamdaman.

Tulad ni Manong Dong na naniniwalang para sa proteksyon natin ang pagpapabakuna, umaasa ang siyudad na tutulong din ang lahat ng residente sa pagsugpo ng COVID-19 virus sa pamamagitan ng pag-register na mabakunahan at pagkumpleto ng dalawang dose ng bakuna.

Kaya naman kung ikaw ay kasama sa priority groups (frontliners, senior citizens, may comorbidities), maaaring mag-register dito: http://vaccine.sanfernandocity.gov.ph./vaccine/profile

Let’s #VSafe, San Fernando!

RECENT POSTS