MGA POLISIYA LABAN SA PANGANIB, SINUSURI NG SAN FERNANDO

Masusing paghahanda sa panganib na dulot ng pagguho ng lupa ang layunin ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) Dynaslope Team sa Post-Landslide Alert Assessment (PLAA) noong Agosto 24, 2026.

Isinagawa ang pagsusuri matapos itaas sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Barangay Nagyubuyuban dahil sa mga kritikal na senyales ng paggalaw ng lupa noong ika-9 ng Agosto. Layunin ng PLAA na matukoy ang kasalukuyang kondisyon ng landslide hazard at masuri ang mga isinagawang hakbang ng lokal na pamahalaan bilang tugon sa naturang alerto.

Kabilang sa isinagawang pagsusuri ang drone operations at inspeksyon ng geologist upang higit na matukoy ang kalagayan ng lugar na napinsala.

Nakipagpulong din ang grupo, kasama ang mga kawani ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Social Welfare and Development Office, at City Planning and Development Office sa mga apektadong residente upang makalap ang kanilang karanasan at impormasyon kaugnay sa kalagayan ng lupa. Bahagi nito ang pagsubaybay sa kasalukuyang Early Warning System for Deep-Seated Landslides (EWS-L).

Mula sa pagsusuri, bubuo ang Dynaslope ng mga rekomendasyon na maaaring magsilbing gabay ng Pamahalaang Lungsod sa pagbuo ng mga polisiya kaugnay ng landslide risk management at pagpapalakas ng early warning system.

Patuloy na pinaigting ang mga hakbang para sa proteksyon at agarang pagtugon para sa mga residente ng #SanFernandoTayo sa pakikipagtulungan ng mga eksperto, katuwang na ahensya, at ng #PeoplesCity.

RECENT POSTS