Sa pangunguna ng Local Economic and Business Development Office (LEBDO), tinalakay sa isang pagpupulong ang mga programa ng City Government sa bagong tatag na asosasyon ng mga street vendors ng lungsod noong Martes, ika-18 ng Agosto 2020 sa Mayor’s Conference Room. Sa nasabing pakikipag-usap sa mga piling opisyales ng Samahan ng mga Nagkakaisang Vendors (SMV), aktibong nakidalo sina City Mayor Alf Ortega, City Councilor John Orros, City Councilor Tony Jucar, kasama sina City Administrator Atty. Aileen Lubiano at Col. Virgilio Pascua ng Office for Public Safety.

Ayon sa paglalahad ni Ms. Rizalyn D. Medrano, Department Head ng LEBDO, sa darating na Lunes, ika- 24 ng Agosto 2020, magsisimula nang magtinda ang mga 35 miyembro nito sa inayos na paligid ng Tanqui Terminal sa pamamagitan ng salitang schedule: Lunes hanggang Miyekules ang unang 17 maglalako, at Huwebes hanggang Sabado naman ang natitirang 18 na maglalako. Bago ito, isang orientation ang magaganap sa Sabado, ika-22 ng Agosto upang matalakay ang mga patakaran at regulasyong susundin ng mga magtitinda, lalo na sa striktong pagsunod sa minimum health standards.

Tutulungan din ng City Government na mailapit ang mga vendor members sa mga iba’t ibang programa ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE)- kung saan inaayos na ang pagrerehistro ng SMV. Dagdag pa rito ang pagkakaroon nila ng mga coaching seminars at workshops upang matulungan silang palaguin ang kani-kanilang kaalaman sa pag-nenegosyo. Naniniwala si Ms. Medrano na sa mga pamamagitan ng mga pangmatagalang hakbang na ito, maiaangat ang kabuhayan ng mga manglalako sa hinaharap.

Bilang suporta sa bagong pagsisimula ng mga street vendors ng lungsod, maglalaan ng Php 3,000 capital loan assistance ang Office of the City Mayor, Office of the City Vice Mayor at mga tanggapan ng dumalong City Councilors bilang kanilang pangunahing puhunan. Sa Sabado, inaasahang matatanggap ng miyembro ng SMV ang nasabing interest- free loan assistance.

Sa ngayon, tuloy-tuloy na pag-aaralan at i-momonitor ang mga programa para sa mga maglalako. Layon ng lokal na pamahalaan na iayon ang mga ito sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod lalo na sa usapin ng mga karampatang permit. Nakatuon ang lokal na pamahalaan sa pagtulong sa pagpapaganda ng kabuhayan ng mga naapektuhan ng kasalakuyang pandemya. Makakasiguro ang lahat na magpaplano at magsasagawa ang City Government ng mga hakbang para sa unti-unting pagsulong ng #SanFernandoAyayatenKa.

(Kuwento ni Jeddahn Rosario)

(Litrato ni Clifford Mercado)

RECENT POSTS


Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102

Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103