TALENTO AT DISIPLINA NG KABATAANG FERNANDO, PATULOY NA HINUHUBOG SA PEOPLE'S CITY SPORTS CLINIC

Patuloy na hinuhubog ang talento, disiplina, at aktibong pamumuhay ng mga batang Fernando at Fernanda sa People’s City Sports Clinic na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod, sa pamamagitan ng Youth, Education, and Sports Development Office, sa City Plaza at iba pang itinalagang mga venue noong Hulyo 18 at 25, 2026.

Layunin ng programa na hikayatin ang mas maraming kabataan na makilahok sa iba’t ibang larangan ng palakasan bilang daan upang mapaunlad ang kanilang kakayahan, mapanatili ang mabuting kalusugan, at maisabuhay ang mga pagpapahalagang tulad ng disiplina, pagtutulungan, at sportsmanship.

Sa kabuuan, 324 rehistradong kalahok ang patuloy na nagsasanay sa badminton, boxing, chess, pencak silat, table tennis, volleyball, at wushu sa ilalim ng paggabay ng mga coach at trainers.

Nagsasagawa sila ng iba’t ibang pagsasanay at drills para higit pang mapaunlad ang kanilang mga kasanayan, palakasin ang kanilang kumpiyansa, at ihanda sila para sa mas mataas na antas ng kompetisyon.

Sa pamamagitan ng People’s City Sports Clinic, patuloy na binibigyang pagkakataon ng Pamahalaang Lungsod ang mga kabataang Fernando at Fernanda na tuklasin at pagyamanin ang kanilang mga kakayahan sa larangan ng palakasan.

Higit na paghubog ng mga atleta, isinusulong din ng programa ang isang henerasyong malusog, disiplinado, at may positibong pananaw na makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng #PeoplesCity ng #SanFernandoTayo.

RECENT POSTS