Young Entrepreneur Summit 2026: Pinalawak ang pananaw ng mga mag-aaral sa pagnenegosyo
Mas pinalawak pa ang pananaw, kakayahan, at kaisipang pangnegosyo ng 103 mag-aaral mula sa Saint Louis College (SLC) sa isinagawang Young Entrepreneur Summit 2026 na ginanap sa Café Luis ng kanilang paaralan noong Oktubre 21, 2026.
Pinangunahan ng City Local Economic and Business Development Office (LEBDO) ang aktibidad kung saan dumalo ang mga mag-aaral mula sa programang Bachelor of Science in Business Administration (BSBA) na may espesyalisasyon sa Financial Management, Human Resource Management, at Marketing Management.
Tampok sa Summit na ito ang iba’t ibang talakayan mula sa mga sumusunod na inimbitahang Resource Speakers:
Ms. Daisyry Sabado sa paksang “Think Beyond Your Degree” kung saan hinikayat ang mga mag-aaral na huwag limitahan ang kanilang sarili sa kursong kanilang kinukuha, bagkus ay tuklasin ang iba pang oportunidad kung saan maaari nilang magamit ang kanilang kaalaman, kakayahan, at hilig upang makalikha ng positibong pagbabago;
Ms. Ruzzel Meg Francisco sa paksang “Creative Ideas into Deliverables” kung saan tinalakay ang kahalagahan ng pagsasalin ng mga malikhaing ideya tungo sa mga konkretong output at praktikal na solusyon at nang maisasakatuparan ang kanilang mga konsepto bilang mga proyekto o oportunidad sa negosyo;
Ms. Lopemae Hana Bautista sa talakayang “From Learner to Entrepreneur” na nagbigay-diin sa kahalagahan ng patuloy na pagkatuto, pagtitiyaga, at paggawa ng mga kinakailangang hakbang upang maisalin ang kaalaman at kasanayan tungo sa pagtatatag at pagpapaunlad ng sariling negosyo; at
Mr. Remezes Cadwising sa paksang “Beyond the Classroom” kung saan tinalakay ang kahalagahan ng paglalapat ng mga natutuhan sa paaralan at pagkilala sa mga oportunidad para sa pag-unlad, inobasyon, at pagnenegosyo sa labas ng akademikong kapaligiran.
Samantala, nagpakita rin ng suporta sa aktibidad na ito sina Ms. Lea L. De Guzman, Ed.D., Vice President for Academic Affairs ng SLC, Mr. Ruel Joseph V. Balaba, MBA, CMMS, CHP, Instructor II – Business Education Program ng SLC, at Ms. Aubrey Q. Abuan, City Government Assistant Department Head ng LEBDO.
Patuloy ang pagtutulungan sa pamamagitan ng mga aktibidad katulad nito upang hubugin ang susunod na henerasyon ng mga negosyante na magiging katuwang sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at pagsusulong ng pangmatagalang pag-unlad.
Suportaran tayo iti panangisagana kadagiti agtutubo ti #PeoplesCity para iti naraniag a masakbayan ti ekonomiya ditoy #SanFernandoTayo.



















RECENT POSTS

Libreng serbisyo, iniabot sa 68 benepisyaryo sa Barangay Sevilla

Malinaw na gabay at serbisyo inilapit sa Town Hall Meeting sa Brgy. Biday at Brgy. Poro

Mga kabataang San Fernando, natuto ng iba’t ibang kasanayan sa agrikultura

Mental Health at Wellness para sa mga Caregiver, Itinaguyod sa San Fernando

Local People’s Council, patuloy ang pakikiisa sa pamamahala
