
Nananatiling mababa ang porsyento ng mga nagpositibo sa CoViD-19 dito sa City of San Fernando, La Union. Ayon ito sa regular na pagpupulong ng mga miyembro ng City Local Health Board kahapon, ika-29 ng Hulyo 2020.
Sa datos na inilahad ng City Health Office, 31 o 2% ng total na bilang ng 1,325 swab test na isinagawa ng lungsod ang nagpositibo sa CoViD-19. Pagbibigay diin ni Dr. Eduardo Badua, Medical Center Chief ng Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC), nasa 1% lamang ito kung pagbabasehan ang pangkalahatang bilang ng mga swab test na isinagawa sa buong probinsya ng La Union na pumalo na sa higit 3,263. Ang datos ng lungsod at ng probinsya ay malayong mas mabuti kaysa sa ibang lugar sa bansa, pagtitiyak ni Dr. Badua.
Tinalakay sa pagpupulong ang iba’t ibang pamamaraan upang mapababa pa ang porsyentong ito. Ayon kay Dr. Arman Carrera, Officer-in-Charge ng City Health Office, bibigyang tugon ng lokal na pamahalaan ng San Fernando ang kalagayan ng Barangay San Agustin kung saan umabot na sa siyam (9) ang kumpirmadong kaso. Dagdag ni Dr. Carrera, bibigyang konsiderasyon ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng mass testing sa dalawang pinakaapektadong purok ng nasabing barangay. Ito ay sasabayan ng istriktong isolation ng komunidad sa pamamagitan ng umiiral na heightened community quarantine doon.
Napag-usapan din ang mga hakbang na ipapatupad ng City Government sa pagdagsa ng uuwing locally stranded individuals (LSIs) na residente ng lungsod. Para matiyak ang kanilang kaligtasan at ng mga barangay na pagtitirhan, plano ng lokal na pamahalaan na agarang isailalim ang mga LSIs sa swab testing. Sila ay maaaring ma-quarantine muna sa mga isolation facilties ng lungsod habang inaantay ang swab test result. Tiniyak naman ng ITRMC ang kanilang pagsuporta sa mga planong ito sa pamamagitan ng pag-supply at pagproseso ng mga kinakailangang swab testing kits.
Pinagtibay din ni City Mayor Alf Ortega sa pagpupulong ang pagpaparehistro ng 122 mga bagong Barangay Health Workers (BHW), at pagkilala sa 216 accredited BHWs sa iba’t ibang barangay ng lungsod. Patuloy na nagpapasalamat si Mayor Alf sa mga BHWs sa kanilang mahalagang papel sa gitna ng pandemya lalo na sa kanilang aktibong pakikilahok at pakikiisa sa lahat ng response measures na ginagawa ng lungsod.
Pinapaalalahanan naman ng CHO ang kahandaan ng mga barangay sa posibleng pagdami ng mga kaso ng dengue ngayong tag-ulan. Mababa pa sa ngayon ang mga kasong kanilang naitala, ngunit umaapela ang CHO sa mga komunidad at tahanan na bantayan at panatilihing malinis ang kanilang tirahan at bakuran, lalo na sa mga posibleng pagpugaran ng mga lamok.
Tinitiyak ng City Government of San Fernando ang pagbibigay prayoridad sa kalusugan ng mga mamamayan lalo na sa panahon ng kasalukuyang banta ng CoViD-19. Walang humpay ang pag aksyon ng lokal na pamahalaan upang mapigilan pa ang pagdami ng kaso at manatili ding handa ang mga komunidad sa iba pang banta sa kalusugan.
(Kuwento ni Jeddahn Rosario)
RECENT POSTS
Warning: Undefined array key "cat" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 102
Warning: Undefined array key "tag" in C:\xampp\htdocs\wp-content\plugins\recent-posts-widget-extended\classes\widget.php on line 103
CITY GOVERNMENT TURNS OVER ADDITIONAL PATROL VEHICLES TO RECIPIENT BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT, PALAFOX ASSOCIATES SIGN CONTRACT TO UPDATE CLUP AND ZONING ORDINANCE
CITY GOVERNMENT HOLDS THE FIRST LOCALIZED HANDA PILIPINAS PROGRAM OF THE PHILIPPINES
CITY GOVERNMENT TURNS OVER 42 PATROL VEHICLES TO BARANGAYS IN THE CITY
CITY GOVERNMENT SPEARHEADS EDUCATOR’S SUMMIT, EMPHASIZES PARENTAL ROLE OF TEACHERS