Kooperasyon ng barangays, mahalaga sa pagpuksa ng Covid-19 sa San Fernando

Dahil sa pakikipagtulungan ng barangay units ng City of San Fernando, bumaba na sa 168 ang COVID-19 cases as of July 29, kumpara sa 402 noong July 9 nang magsimula muling sumailalim sa GCQ ang siyudad.

CARLATAN

Sa Brgy. Carlatan, nagkaroon ng residential lockdown sa isang compound kaya naman ginawa ang single entrance-single exit strategy upang hindi kumalat ang COVID-19. Dahil dito, nabigyan din ng ayuda ang mga residente.

Ayon kay Brgy. Secretary Emily Tabiarca, tumaas ang kaso nila dati dahil sa local transmission lalo na mula sa mga nagkaroon ng COVID-19 galing sa workplace. Dahil dito, pinaigting ang contact tracing at pagpapasunod sa mga tao sa APAT DAPAT. Ngayon, nasa 9 na lang ang kanilang active cases kumpara sa 19 noong simula ng GCQ.

Dagdag pa rito, nakabantay ang barangay health workers and officials sa mga naka-home quarantine. May 24/7 duty din sila kasama ang PNP upang makapag-ikot nang maigi at ma-monitor ang pagsunod ng mga tao sa health protocols.

Sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay, tinulungan din nilang mag-register online ang mga tao para sa kanilang vaccination.

PORO

Sa Brgy. Poro naman, itinuturing nilang advantage ang single entrance-single exit strategy para sa buong barangay noong simula pa lang ng GCQ. Mula sa 25 cases noong July 9, ngayon ay may 9 active cases na lang sa kanilang barangay.

May 24/7 duty din sila kasama ang PNP for 14 days upang mabantayan ang pagsunod ng mga tao sa health protocols at ma-monitor ang mga naka-home quarantine. May mga ayuda rin lalo na para sa fisherfolks na hindi makalabas upang makapangisda.

Naghahatid-sundo rin sila ng mga residente sa vaccination site. Ngunit sabi ni Kap JC Valero, isang hamon sa kanila ngayon ang vaccine hesitancy sa senior citizens. Mensahe niya, “Hinihikayat ko ang constituents ko na suportahan ang vaccination. Prevention is better than cure, magkaisa tayo para ma-reach natin ang herd immunity.”

Kasama ni Brgy. Secretary Boy Unson, hinihikayat din nilang maging disiplinado ang lahat sa pagsunod ng minimum health protocols. Sabi ni Sec. Boy, “Ipagpatuloy ang pananalangin na hindi tayo pabayaan ng Diyos. Sana’y ‘wag na matigas ang ulo. Walang mawawala kung susunod tayo, para walang kumplikasyon.”

CATBANGEN

Gaya ng sa Brgy. Poro, disiplina ang pangunahing gusto ni Kap. Jeff Apilado para sa kanyang constituents, lalo na raw sa pagsusuot ng face masks.

Gaya ng sa ibang high-risk barangays, nagkaroon din ng 24/7 na roving ng mga tanod at PNP sa kanilang barangay. Mas maluwag na ang control points ngunit patuloy pa rin silang nagbabantay lalo na sa areas na may naka-home quarantine.

Parte rin ng kanilang vaccination efforts ang pagtatawag sa mga kabahayan na may miyembro ng priority groups, lalo na ngayong linggo kung kailan maaari silang mag-walk in sa vaccination site para sa Janssen vaccine.

Ngayon, bumaba na sa 24 ang kanilang active cases mula sa 77 noong simula ng GCQ. Pahayag ni Kap. Jeff, “Sumunod po tayo sa policies para mapaigting natin ang pagbaba ng mga kaso. Huwag po sanang pasaway.”

SALAMAT SA’TING BARANGAY OFFICIALS FOR YOUR EFFORTS!

Sa pamumuno ng kanilang mga kapitan, naging malaking dahilan sa pagbaba ng cases ang kooperasyon ng barangays sa COVID-19 response and management ng City of San Fernando. Ipinamalas ng ating barangays na sa sama-samang pakikipaglaban, kaya ng #SanFernandoTayo na tumayo kontra COVID-19!

RECENT POSTS